Paglilinaw ng ahensiya: '3 inalis na DSWD Usec walang bahid ng korupsyon o madalas na pagbiyahe abroad' - The Daily Sentry

Sunday, November 18, 2018



Paglilinaw ng ahensiya: '3 inalis na DSWD Usec walang bahid ng korupsyon o madalas na pagbiyahe abroad'



Usec. Maria Lourdes Turalde-Jarabe; Usec. Hope Hervilla; and Usec. Mae Fe Ancheta-Templa | Mga larawan mula sa Google



Kinumpirma na ng palasyo ang pagkaka alis sa pwesto nina DSWD Undersecretary for Promotive Operations and Programs Group Maria Lourdes Turalde-Jarabe, Undersecretary for Protective Operations and Programs Group Mae Ancheta-Templa, at Undersecretary for Disaster Response Management Group Hope Hervilla.

Ang tatlong nabanggit na mga Undersecretary ay mga talaga ni dating DSWD Secretary Judy Taguiwalo.


'Core values'

Si Jarabe ay dating secretary general ng grupong Gabriela, habang si Hervilla ay Regional Chairperson ng Bayan Muna at si Templa ay miyembro ng Forum of Women for Action with Rody Duterte.

Ngunit ayon sa mga naunang ulat, hindi umano nabigyan ng prior information si Jarabe ukol sa pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nagtataka rin umano siya sa kanyang pagkaka alis sa pwesto dahil ginawa naman niya umano ang lahat ng pamamaraan para maging maayos ang serbisyong maibigay sa taong bayan.

Ayon din sa panayam ng Radyo Inquirer, iginiit ni Jarabe na sinunod niya ang core values na isinulong ni dating DSWD Sec. Taguiwalo na ‘Tunay na Malasakit, Maagap at Mapagkalingang Serbisyo. Serbisyong Walang Katiwalian at Patas na Pagtrato sa Komunidad.’

Pagbuo ng magandang team

Samantala, sa hiwalay na report ng Radyo Inquirer, nilinaw ni DSWD Spokesperson Assistant Secretary Glenda Relova na walang bahid ng korupsyon o madalas na pagbiyahe sa abroad ang tatlong undersecretaries.

Dagdag ni Relova, maayos ang record ng tatlong opisyal.

Sinabi naman ni Executive Secretary Salvador Medialdea na nais lamang ng DSWD na makabuo ng magandang team kung kaya tinapos na ang serbisyo nina DSWD Undersecretary for Promotive Operations and Programs Group Maria Lourdes Turalde-Jarabe, Undersecretary for Protective Operations and Programs Group Mae Ancheta-Templa, at Undersecretary for Disaster Response Management Group Hope Hervilla.*

Ngunit, ikinababahala naman ng ilang mga kawani ng DSWD ang pagkakasibak na ito sa pwesto ng tatlong undersecretary sapagkat maari din silang mawalan ng trabaho kung sakali mang magdala ng sariling tao ang papalit sa mga nasabing opisyal – bagay na naging kalakaran na umano sa naturang ahensya.

Talumpati ng pamamaalam

Samantala, sa kanyang talumpati ng pamamaalam at pasasalamat, sinabi ni  Jarabe na naging masinop siya sa rekurso ng ahensya at gamitin ito ng tama. 

“Sinisikap kong pumasok ng maaga at walang sayanging oras dahil buwis ng sambayanan/mamamayan ang pinapasweldo sa akin.” Dagdag niya

Naging maayos rin umano ang pakikitungo nya sa mga kapwa-kawani, nakinig at natuto sa bawat bawat karanasan ng mga ito.

“At maging ehemplo ng patas na pagtrato na hindi namimili ng posisyon, katayuan sa buhay at maging sa kulay. Puti, dilaw, pula,ano pa man iyan, kapag kailangan ng tulong ay dapat kalingain.” Ayon pa sa dating Undersecretary

“Kung may mga naging kahinaan man o pagkukulang sa trabaho, ito marahil ay sa limitadong kaalaman at gahol sa panahon. Hindi kailanman sa prinsipyo, paninindigan at pagpapahalaga ang pagkukulang. Kung kaya masasabi ko na lalabas ako ng ahensya na taas noo at taas kamao!” Dagdag pa nito

Sa huli, kanyang sinabi: Walang forever sa posisyon. Pero may forever sa paglilingkod sa bayan!