Sino si Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr, abogado ng proscution sa impeachment trial? - The Daily Sentry


Sino si Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr, abogado ng proscution sa impeachment trial?






MANILA — Kabilang si Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. sa mga pribadong abogado na tumutulong sa House prosecution panel sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.


Bukod sa pagiging bahagi ng prosecution team, nagsisilbi rin si Tolosa bilang legal spokesperson ng mga prosecutor sa nagpapatuloy na paglilitis.


Isa si Tolosa sa mga abogadong ipinakilala bilang bahagi ng legal team ng House prosecutors bago nagsimula ang impeachment trial.


Managing partner at trial lawyer


Si Tolosa ang founding at managing partner ng Tolosa Lim & Chua Law Firm.


Pinamumunuan niya ang Litigation and Dispute Resolution Practice ng law firm, kung saan nangunguna siya sa isang grupo ng mahigit 25 abogado na humahawak sa mga kumplikado at malalaking kaso at legal disputes.


Dahil sa kanyang malawak na background bilang trial lawyer, naging isa rin siya sa mga kapansin-pansing personalidad sa prosecution panel sa impeachment proceedings.


Nanguna sa pagtatanong kay Michael Poa


Noong ika-21 araw ng impeachment trial, si Tolosa ang nanguna sa direct examination kay Atty. Michael Poa, dating chief of staff ng Department of Education at kasalukuyang miyembro rin ng defense team ni Duterte.


Idineklara ng Senate impeachment court si Poa bilang hostile witness matapos siyang iprisinta ng prosecution upang tumestigo kaugnay ng paggamit ng confidential funds ng Department of Education noong panahon ni Duterte bilang kalihim ng ahensya.


Naging kapansin-pansin ang naging pagharap ni Tolosa kay Poa sa pagdinig, na kabilang sa mga pangunahing testimonya at usaping sinusuri ng impeachment court.


Nagtapos sa University of Santo Tomas


Nakuha ni Tolosa ang kanyang bachelor’s degree sa Legal Management mula sa University of Santo Tomas noong 2003.


Nagpatuloy siya sa pag-aaral ng batas sa University of Santo Tomas College of Law at nagtapos noong 2008.


Kabilang umano siya sa Top 10 ng kanyang klase, na binubuo ng 145 estudyante.


Nakatanggap din siya ng Outstanding Thomasian Award mula sa University of Santo Tomas Law Alumni Foundation, Inc.


Karanasan sa corporate at high-stakes disputes


Bago pa man itatag ang kanyang sariling law firm, nagsilbi si Tolosa bilang legal counsel ng Philippine affiliate ng isang Fortune Global 500 multinational corporation.


Naging general counsel din siya ng isang regional conglomerate na may negosyo sa retail at distribution ng mga premium global brands.


Nagkaroon din siya ng karanasan bilang senior associate sa ACCRALAW o Angara Abello Concepcion Regala & Cruz Law Offices, isa sa mga kilalang law firms sa bansa.


Sa kanyang panahon sa ACCRALAW, kumatawan siya sa malalaking kumpanya, senior executives at mga public official sa mga kumplikado at high-stakes legal disputes.


Sa kasalukuyan, si Tolosa ay kabilang sa mga private prosecutors na tumutulong sa House prosecution panel sa paglalahad ng kaso laban kay Vice President Sara Duterte sa Senate impeachment court.