Ikinuwento ng atletang si Dexler Bolambao ang kanyang karanasan na minsan na siyang nakaramdam ng matinding pagkagutom dahil sa hirap na pinagdaanan ng kanyang pamilya.
Dexler Bolambao / Image mula ABS-CBN
Si Bolambao ay isang arnisador, nanalo siya ngayong linggo ng “gold medal” sa Southeast Asian (SEA) Games. Siya ay anak ng isang mangingisda sa Leyte.
Ayon kay Bolambao, naranasan na umano niya ang hindi kumain sa loob ng isang buong araw.
“Nakakaranas kami n’yan,” kuwento ni Bolambao.
“May araw na di ka kakain, matutulog na lang. May araw di kakain ng isang beses sa isang araw, dalawa sa isang araw o tatlo sa isang araw lalo kung may bagyo. Nakaranas kami n’yan.
“Kaya ’yun ang nag-udyok sa puso ko na kahit ano’ng hirap, kailangang tatagan kasi kung hihinto ako sa tirla na binigay ng Panginoon, lalo akong maghihirap.”
Kwento ni Bolambao, natutunan niya ang arnis sa subject na MAPEH noong siya ay nasa high school at dahil dito ay nagkaroon siya ng daan para kahit papaano maiangat ang pamilya niya sa hirap.
Dexler Bolambao / Image mula Sports Inquirer
Aminado rin si Bolambao na hindi madaling maging eksperto sa arnis lalo na at makakaranas ka ng sakit ng palo ng yantok sa katawan.
“Di nawawala ’yun. Ito ba ang linya ko sa buhay, may bukas ba ako dito? Pero iniisip ko baka trials lang ng Panginoon kasi kung gusto kong maayos ang kinabukasan namin, kailangang pagtiyagaan,” ayon kay Bolambao.
Sa kaniyang pagpupursige, nakarating siya ng Cebu at patuloy na naghasa ng kaalaman sa arnis sa tulong ng Doce Pares arnis.
Biniyayaan siya ng Doce Pares ng scholarship para makapagtapos sa ng pag-aaral sa Cebu Technological University.
Nitong Linggo lang nilagpasan niya ang ilan sa pinakamagagaling na arnisador sa under-60 kilogram division ng SEA Games bago harapin si Paing Soc ng Burma sa final round ng live stick contest.
Tinalo niya ang Burmese sa unanimous decision para makuha ang gintong medalya.
“Talagang sobrang saya ko . . . Wala ako halos pagsidlan ng tuwa ko,” aniya.
***
Source: ABS-CBN