Matandang lalaking nadapa kakahabol sa ipinamimigay na relief goods, dinagsa ng tulong - The Daily Sentry


Matandang lalaking nadapa kakahabol sa ipinamimigay na relief goods, dinagsa ng tulong



Sa lakas ng bagyong Ulysses, malupit ang sinapit ng ilang lugar sa ating bansa. Ang Cagayan Valley at Isabela ang nagtamo ng pinakamatinding pinsala kung saan umabot sa 15meters ang taas ng tubig.
Photo credit: Apreil-Jhoiyze Juan Cabacungan-Bayucan

Kaya naman lumubog sa baha ang mga bahay at wala ng ibang mapuntahan ang mga residente kundi sa bubong ng matataas na bahay habang naghihintay ng mga rescuers.

Pagkatapos ng delubyo at pakikipagtunggali ng mga residente sa bagyong Ulysses, pagkagutom at uhaw naman ang kanilang kailangang labanan. 

Dahil dito ay umaasa na lamang ang mga tao sa matatanggap na relief goods mula sa gobyerno at iba pang tulong mula sa ating mga kababayan.
Photo credit: Apreil-Jhoiyze Juan Cabacungan-Bayucan

Samantala, isang video mula sa TikTok ang nag-viral kamakailan kung saan nadapa umano ang isang lalaki dahil sa paghabol sa ipinamimigay na relief goods.

Kinilala ang matandang lalaki na si Lauriano Anung Pattaui ng Barangay San Isidro, Iguig sa Cagayan.

Ibinahagi naman ng nagmalasakit na netizen na si Apreil-Jhoiyze Juan Cabacungan-Bayucan ang TikTok video ni @itsmecarlo19 kung saan makikita ang kalagayan ni Tatay Lauriano.

Puno ng alikabok at tuyong putik ang mukha ni tatay Lauriano dahil sa pagkakadapa nito. Hinabol umano nito ang  namimigay ng relief goods ngunit sa kasamaang palad ay hindi siya nakakuha dahil naubusan na siya.

Bakas sa mukha ng matanda ang lungkot dahil wala siyang maiuuwi para sa kanyang pamilya.

Matapos mag-viral ang video ni tatay Lauriano ay dumagsa ang tulong sa kanya mula sa ating mga kababayan.

Sa tulong ni Apreil ay mabilis na natunton si tatay.

Nabigyan na si Tatay Lauriano ng mga pagkain at iba pa nilang pangangailangan ng kanyang pamilya. 

Nabigo man siya at nadapa noong una, ngayon ay hindi na niya kailangang tumakbo at makipag-agawan dahil kusa na lamang dumarating sa kanya ang biyaya.

Patuloy pa rin ang pagdating ng tulong kay tatay Lauriano mula sa mga kababayan natin maging sa mga nasa ibang bansa.




Isa lamang si tatay Lauriano sa libo-libong residente ng Cagayan na apektado ng bagyong Ulysses na tumama noong November 11.

Patuloy naman ang pagtulong ng ating gobyerno sa mga nasalanta ng bagyo. 


***