Atty. Sheila Sison sinita ang private prosecutor sa post laban sa defense counsel ni VP Sara Duterte - The Daily Sentry


Atty. Sheila Sison sinita ang private prosecutor sa post laban sa defense counsel ni VP Sara Duterte






MANILA — Sinita at kinastigo ni lead defense lawyer Sheila Sison nitong Miyerkules ang private prosecutor na si Amando Ligutan sa harap ng Senate impeachment court dahil sa isang pahayag nito sa social media na aniya’y tumutukoy sa isang abogado ng defense team ni Vice President Sara Duterte.


Nangyari ang isyu matapos magkaroon ng pagtatalo sa pagitan nina defense counsel Kristine Ferrer at Lorna Kapunan ng prosecution panel habang isinasagawa ang cross-examination kay state auditor Xylene Mae Del Campo tungkol sa paggamit ni Duterte ng confidential funds.


Kinuwestiyon ni Kapunan ang paraan ng pagtatanong ni Ferrer sa witness.


“Misleading questions are not allowed on cross,” ani Kapunan.


Sumagot naman si Ferrer: “They are allowed.”


Makalipas ang ilang oras, bandang 11:29 ng umaga, nag-post si Ligutan sa kanyang Facebook page ng pahayag na:


“A principle ALL lawyers and law students know by heart: Misleading questions are NOT allowed even on cross-examination.”


Sison: Hindi misleading, kundi leading questions ang tinutukoy


Sa kanyang manifestation sa pagtatapos ng paglilitis nitong Miyerkules, nilinaw ni Sison na iba ang sinabi ni Ferrer sa ipinahiwatig ng post ni Ligutan.


Ayon kay Sison, “only saying that leading questions are allowed on cross-examination” ang tinutukoy ni Ferrer at hindi na pinapahintulutang misleading questions.


Kinuwestiyon ni Sison ang pagdadala umano ni Ligutan sa social media ng naturang usapin habang nagpapatuloy ang paglilitis.


“And yet we have a private prosecutor immediately taking to social media and posting this, implying something against the defense counsel. We will not have this,” ani Sison.


Iginiit din niya na hindi nararapat ang ganitong pahayag laban sa kapwa abogado, lalo na’t parehong miyembro ng bar at officers of the court ang magkabilang panig.


Ayon kay Sison, “inappropriate” ang ginawa ni Ligutan at dapat umiral ang respeto sa pagitan ng mga abogado kahit magkabilang panig sila sa paglilitis.


Tinawag din niyang “troubling” at “in bad taste” ang paglalabas ng naturang pahayag sa gitna mismo ng isang courtroom hearing.


Binanggit ni Sison na may mga patakaran ding nagbabawal sa mga abogado na magkomento tungkol sa merits ng kasong dinidinig.


Ligutan: Hindi naman siya pinangalanan


Hindi naman pinayagan ni Senate impeachment court presiding officer Francis Escudero si Ligutan na agad tumugon sa manifestation ni Sison.


Gayunman, tiniyak ni Escudero na mabibigyan si Ligutan ng pagkakataong ipaliwanag ang kanyang panig bago magpasya ang senator-judge sa isyu sa Lunes.


Sa panayam matapos ang paglilitis, iginiit ni Ligutan na wala naman siyang binanggit na pangalan sa kanyang social media post.


“If they felt alluded to, sa kanila na po iyon,” ani Ligutan.


Sinabi rin niyang wala siyang balak burahin ang kanyang post dahil naninindigan siyang hindi pinapayagan ng Rules of Court ang misleading questions kahit sa cross-examination.


“Buburahin ko ba? Hindi allowed ang misleading questions. Hindi ko ’yan buburahin dahil ’yun ang nakasaad sa ating Rules of Court,” ani Ligutan.


Dagdag pa niya, magiging iba sana ang sitwasyon kung tahasan niyang pinangalanan ang sinumang abogado sa kanyang post.