Sino si Atty. Kristine Ferrer, abogado sa defense team ni VP Sara Duterte? - The Daily Sentry


Sino si Atty. Kristine Ferrer, abogado sa defense team ni VP Sara Duterte?





Si Atty. Kristine “Tine” Ferrer ay kabilang sa mga abogado ng defense team ni Vice President Sara Duterte sa nagpapatuloy na impeachment trial sa Senado.


Si Ferrer ay partner sa Fortun, Narvasa and Salazar Law Firm (FNS), kung saan kabilang sa kanyang pangunahing larangan ang arbitration, corporate at commercial practice, corporate rehabilitation, litigation at dispute resolution, at taxation.


Nagtapos siya ng Bachelor in Accountancy sa Ateneo de Davao University at na-admit sa Philippine Bar noong 2011. Bilang certified public accountant-lawyer, mayroon na siyang 15 taon ng karanasan sa legal practice.


Mula tax lawyer hanggang lider sa larangan ng taxation


Sinimulan ni Ferrer ang kanyang career bilang tax lawyer sa Sycip, Gorres, Velayo & Co. Kalaunan, nang sumali siya sa FNS, naging head siya ng tax practice ng kompanya at nag-specialize sa mergers and acquisitions.


Naging bahagi siya ng ilang malalaki at kumplikadong local at international transactions na hinawakan ng law firm.


Kabilang sa mga kapansin-pansing naging papel ni Ferrer ang pangunguna sa team na nag-facilitate sa P25-bilyong tax compromise settlement sa pagitan ng Mighty Corp. at Bureau of Internal Revenue (BIR), na inilarawan bilang isa sa pinakamalaking tax compromise settlements sa bansa.


Naging bahagi rin siya ng pagkumpleto sa mga requirement ng BIR para sa P45-bilyong acquisition ng assets ng Mighty Corp. ng JT International (Philippines), Inc.


Kamakailan, nakakuha rin ang kanyang team ng P152.5-milyong tax refund para sa mga erroneously paid taxes on royalties mula sa Court of Tax Appeals.


May karanasan din sa pagtuturo at debate


Bukod sa kanyang legal practice, naging lecturer si Ferrer sa Taxation Law at Special Proceedings sa Ateneo de Davao University College of Law. Nagturo rin siya ng accounting sa School of Business and Governance ng naturang unibersidad.


Bago man siya nakilala sa larangan ng batas, naging aktibo rin si Ferrer sa debate. Nagkampeon ang kanyang team sa First National Debate on International Humanitarian Law, kung saan siya rin ang itinanghal na best debater ng torneo.


Naging finalist din siya sa unang season ng ANC CVC Law Debates noong 2008.


Mga pagkilala


Ilan sa mga pagkilalang natanggap ni Ferrer ay ang pagiging isa sa “10 Most Successful Leaders to Follow in Asia” ng Tycoon Success Magazine noong 2023 at kabilang sa “Top 10 Consulting Company Leaders from the Philippines” ng CEO Insights Asia noong parehong taon.


Noong 2026, kinilala rin siya bilang Exclusive Member for Corporate Law in the Philippines ng Global Law Experts.


Itinampok din siya ng The Legal 500 Asia Pacific bilang Recommended Lawyer para sa Projects and Energy at Corporate and M&A.


May certification din si Ferrer sa Negotiation Mastery mula sa Harvard Business School Online.


Sa gitna ng nagpapatuloy na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, nakatuon ngayon ang pansin sa mga abogado ng magkabilang panig—kabilang si Ferrer, na may malawak na karanasan sa taxation, corporate law, litigation at dispute resolution.