
‘TANONG-TANONG DIN PAG MAY TIME’
Naglabas ng mahabang pahayag si dating AMLC Executive Director Atty. Julia Bacay-Abad bilang tugon sa naging mga pahayag ni Sen. Robin Padilla sa nagpapatuloy na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa kanyang post, sinabi ni Bacay-Abad na bagama’t nauunawaan niyang walang legal na background ang senador, maaari naman umano itong kumonsulta sa kanyang mga legal advisers bago magbigay ng mga pahayag kaugnay ng batas at proseso ng paglilitis.
“Nauunawaan ko na wala kang legal background, pero puwede ka namang magtanong at magpaturo sa mga legal consultants mo. Tanong-tanong din naman pag may time.”
Ipinaliwanag din niya na sa isang impeachment o anumang adversarial proceeding, likas na tungkulin ng prosecution na itaguyod ang kasong kanilang inihain, habang ang mga Senator-Judges ang inaasahang manatiling patas at walang kinikilingan.
“Para sa iyong kaalaman, una, ang prosecution talagang one-sided lang dapat ’yan. Siyempre prosecution nga eh, hindi puwedeng impartial ’yan! Ang mga senator-judges ang hindi puwedeng maging one-sided. Dapat impartial sila.”
Nilinaw rin ni Bacay-Abad na wala umanong probisyon sa batas o Rules of Court na awtomatikong nagdidiskwalipika sa isang testigo dahil lamang may nakabinbing kasong perjury, hangga’t wala pang pinal na hatol ng pagkakasala, maliban sa ilang espesipikong sitwasyong itinakda ng batas.
Sa huli, ipinaliwanag niya kung bakit siya matindi ang naging reaksiyon sa mga pahayag ng senador.
“Bakit ako nanggagalaiti sa mga banat mo? Dahil ang bawat minuto na ginugugol mo diyan sa Senado ay binabayaran naming mga taxpayers, kaya dapat bawat segundo ay magamit sa makabuluhang bagay. Dapat may pakinabang kami sa bawat buka ng bibig mo!”
Dagdag pa niya:
“I am a taxpayer. Thus, I demand no less worthwhile services!”
Ang pahayag ni Bacay-Abad ay isa sa mga pinakabagong reaksiyon mula sa isang legal expert matapos ang naging kontrobersiyal na komento ni Sen. Padilla tungkol sa pagiging “one-sided” ng prosecution at iba pang usaping legal na tinalakay sa nagpapatuloy na impeachment trial.