
**Robin Padilla, umalma sa pambabatikos kay Mariel matapos muling kumalat ang lumang video**
Hindi pinalampas ni Sen. Robin Padilla ang sunod-sunod na batikos na ibinabato ngayon sa kanyang asawang si Mariel Rodriguez matapos muling kumalat sa social media ang isang video na unang na-upload noong 2022.
Sa naturang video, ipinagtanggol noon ni Mariel ang kanyang mister laban sa mga kumukuwestiyon sa kwalipikasyon nito bilang kandidato sa pagka-senador.
Kabilang sa mga sinabi ni Mariel noon ang tungkol sa edukasyon at karanasan ni Robin, kabilang na ang pagkakaroon nito ng degree sa Criminology at ang naging karanasan niya habang nakakulong sa Bilibid.
Dahil sa muling pag-viral ng video, muling umani ng sari-saring reaksyon mula sa netizens ang celebrity couple. Marami ang bumatikos kay Robin at kay Mariel kaugnay ng mga pahayag sa lumang vlog.
Dito na nagbigay ng matapang na reaksiyon si Robin sa kanyang Facebook post.
Hiniling ng senador sa mga bumabatikos sa kanyang asawa na huwag nang gamitin ang lumang video upang ilihis umano ang atensyon mula sa mas mahahalagang isyung kinakaharap ng bansa.
Ayon kay Robin, tila ginagamit ang isyu tungkol sa vlog ni Mariel upang ilayo ang usapan sa ibang bagay na dapat pagtuunan ng pansin.
> “Ika nga ng mga Kano, ‘Wag the Dog!’ Lilihisin lang ang isyu mula sa tunay na isyu, kaya taya ang asawa ko at si carding sungkit.”
Hindi rin niya pinalampas ang mga batikos laban sa asawa ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, na nadamay din sa mga diskusyon online dahil sa isang larawan mula sa isang event sa Davao.
Dagdag pa ni Robin, dapat umanong ikonsidera ng mga bumabatikos ang mas mahahalagang problema sa halip na paulit-ulit na balikan ang isang vlog na ginawa ilang taon na ang nakalilipas.
> “Mahiya naman kayo! Baka kayo mismo ay binabaha na ngayon, pero ang isyu ninyo ay tungkol pa rin sa vlog ni Mariel noong 2022 at sa misis ni Sen. Bato.”
Nagpatuloy pa ang senador sa kanyang matapang na pahayag laban sa mga taong aniya’y nagpapagamit sa mga ambisyosong personalidad.
Samantala, naglabas din si Mariel ng panibagong video upang ipaliwanag ang kanyang naging pahayag tungkol sa kanyang asawa.
Nilinaw niya na hindi niya kailanman sinabi na si Robin mismo ang nag-draft, nag-akda o bumoto para maipasa ang Republic Act No. 8294.
Ipinaliwanag ni Mariel na ang tinutukoy niya noon ay ang personal na karanasan ni Robin sa usapin ng batas, partikular sa illegal possession of firearms, at kung paano maaaring direktang makaapekto sa buhay ng isang tao ang mga pagbabago sa batas.
Binanggit din niya na nais lamang niyang ipakita na mayroon nang firsthand experience si Robin tungkol sa epekto ng mga batas bago pa man ito naging senador.
Sa kanyang paglilinaw, iginiit ni Mariel na mahalaga ang buong konteksto ng kanyang sinabi upang hindi ito ma-misinterpret.
“Context matters. Comprehension matters too.”
Sa kabila ng paglilinaw ng mag-asawa, patuloy pa ring pinag-uusapan online ang lumang video at ang mga naging pahayag ni Mariel tungkol sa kanyang mister.
