
MANILA — Inamin ni dating special disbursing officer (SDO) Gina Acosta na hindi niya alam kung bakit siya kinuha ni Vice President Sara Duterte bilang SDO noong alkalde pa ito ng Davao City at kalaunan ay sa Office of the Vice President (OVP).
Sa pagdinig ng Senate impeachment court nitong Lunes, tinanong si Acosta kung bakit siya ang napili para sa naturang posisyon, lalo na’t umabot sa P500 milyon ang confidential funds ng OVP na ipinagkatiwala sa kanyang pagdi-disburse.
“Hindi ko alam, Your Honor, kung bakit ako ang kinuha ng Bise Presidente as SDO [ng OVP at Davao City],” sagot ni Acosta.
Tinanong siya tungkol dito ni private prosecutor Amando Ligutan at Senate impeachment court presiding officer Francis Escudero kaugnay ng kanyang mga naunang pahayag sa nagpapatuloy na impeachment trial ni Duterte.
Hindi eksperto sa confidential operations
Bilang prosecution hostile witness sa ika-17 araw ng impeachment trial, sinabi ni Acosta na hindi siya eksperto sa confidential operations.
Inamin din niya na siya ang nag-disburse ng P500 milyong confidential funds ng OVP para sa 2022 at 2023 kay Colonel Raymund Lachica, security officer ng OVP.
Gayunman, lumabas sa pagdinig na ipinagbabawal umano ng 2015-01 Joint Circular ang naturang paraan ng paghawak at pag-disburse ng confidential funds.
Ayon din kay Acosta, hindi naman kinakailangan ng naturang joint circular na magkaroon ng background sa confidential operations ang isang SDO.
Nang tanungin tungkol sa kanyang educational background, sinabi niyang nagtapos siya ng Customs Administration.
Ano ang tungkulin ng isang SDO?
Sa ilalim ng 2015-01 Joint Circular, ang SDO ay ang head of agency o regular employee na itinalaga ng head of agency upang mangasiwa sa pagdi-disburse ng confidential o intelligence funds at maging accountable sa mga ito.
Nakasaad din sa joint circular na ang mga disbursement ng confidential at intelligence funds ay dapat suportado ng documentary evidence of payment na nakalagay sa sealed envelope, pirmado ng SDO, at dapat panatilihing nakatago sa vault sa kanyang opisina.
Nauna nang sinabi ni Acosta sa impeachment court at sa House justice committee, na nagsagawa ng mga pagdinig kaugnay ng impeachment complaints laban kay Duterte, na ipinag-disburse niya kay Lachica ang P500 milyong confidential fund allocation ng OVP alinsunod umano sa mga utos ni Duterte.
‘Ginagawa ko lang ang trabaho ko’
Dahil dito, muling tinanong ni Ligutan at Escudero si Acosta kung siya ba ay kinuha bilang SDO ng OVP at ng Davao City noong panahon ni Duterte bilang alkalde dahil palagi niyang sinusunod ang mga instructions ng Vice President.
Muli, sinabi ni Acosta na hindi niya alam.
“Hindi ko alam, Your Honor. Basta ginagawa ko lang ang trabaho ko na pagiging SDO,” ani Acosta.
Sa gitna ng paglilitis, patuloy na sinusuri ng prosecution ang naging proseso ng paghawak at paggamit ng confidential funds ng OVP, kabilang ang papel ng mga itinalagang SDO at iba pang opisyal na sangkot sa kanilang pag-disburse.