Robin Padilla nagbanta ng Netflix ban dahil sa mararahas na palabas - The Daily Sentry


Robin Padilla nagbanta ng Netflix ban dahil sa mararahas na palabas





MANILA, Philippines — Nagbabala si Sen. Robin Padilla na maaaring ipagbawal sa Pilipinas ang Netflix at iba pang online streaming platforms kung hindi umano nito makokontrol ang mga palabas at online content na nagtatampok ng karahasan.


Kasunod ito ng kaniyang mga pahayag matapos ang naganap na pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University Junior High School noong Agosto 18, kung saan binigyang-diin ng senador ang umano’y impluwensiya ng social media, online games at iba pang digital content sa mga kabataan.


Sa isang pahayag, sinabi ni Padilla na kung hindi kayang kontrolin ng mga platform ang ganitong uri ng content, maaari umanong isaalang-alang ang pagbabawal sa mga ito sa bansa.


“ Mga palabas, mga games na yan yari kayo sakin sa hearing ko. Kapag di kayo tumino, maawa kayo sa batang Pilipino. Kayo mga Netflix, kayong mga nagpapalabas ng online. Tama na! Maawa na kayo. Ginagaya na kayo ng mga bata,” sabi no Padilla.


“Kung hindi niyo kayang kontrolin ’yan, i-ban kayo rito sa Pilipinas. Aba, kung nagagawa ’yan sa ibang bansa, bakit hindi pwedeng gawin ng Pilipinas?,” dagdag pa niya.


Maging ang mga online game developer at iba pang content provider ay binalaan din ng senador na maaari silang ipatawag sa isang Senate hearing upang managot sa mga isyung may kaugnayan sa marahas na content. 


Hindi ito ang unang pagkakataon na nanawagan si Padilla para sa mas mahigpit na regulasyon sa online platforms. Noong 2025, sinuportahan din niya ang panukalang magbibigay sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ng kapangyarihang i-regulate ang online streaming platforms.


Samantala, nitong Agosto 19 ay hiniling din ni Padilla na muling pag-aralan ang dating hakbang ng pamahalaan laban sa mga palabas na itinuturing na may masamang epekto sa mga bata. Kabilang sa kaniyang binanggit ang dating pagbabawal sa anime series na Voltes V noong 1979. 


Gayunman, nananatiling usapin kung hanggang saan dapat umabot ang regulasyon ng pamahalaan sa online entertainment. Habang mahalaga ang proteksiyon sa mga menor de edad laban sa mapanganib na content, pinag-uusapan din ang papel ng parental supervision, content ratings, digital literacy at pagpapatupad ng umiiral na mga batas.


Sa gitna ng panawagan para sa mas mahigpit na regulasyon, lumitaw din ang mas malawak na debate kung ang pagbabawal sa streaming platforms ang tunay na makatutugon sa ugat ng karahasan, o kung kinakailangan ding tutukan ang iba pang salik gaya ng access sa baril, seguridad sa mga paaralan at pananagutan ng mga nakatatanda.


Samantala, ilang online users ang nagpahayag ng magkakaibang reaksiyon sa panukala ni Padilla, kabilang ang mga nagtatanong kung sapat bang dahilan ang marahas na palabas upang ipagbawal ang buong streaming platforms.