Vase na aksidenteng nabasag, nadiskubreng naglalaman pala ng napakaraming pera - The Daily Sentry


Vase na aksidenteng nabasag, nadiskubreng naglalaman pala ng napakaraming pera





Mayaman man o salat sa buhay, iba-iba ang pamamaraan ng bawat tao upang makapagtabi ng pera para sa hinaharap.


Nariyan ang paghuhulog sa alkansya. Mayroon din namang pag-iipon sa pamamagitan ng time deposit kung saan may nakalaang petsa lamang kung kailan ito maaaring makuha. O kaya naman ay simpleng pagtabi ng pera sa bangko na pwedeng ma-withdraw anumang oras.


Ngunit isang lalaki ang agaw-eksena ngayon sa social media matapos itong makaisip ng kakaibang paraan para makapag-ipon. Nilagay nya kasi ito sa vase na naka-display sa kanilang bahay.



Hindi umano inaasahan ang pagkakabunyag ng nasabing ipon na talaga namang pinakatago-tago ng lalaki sa kanyang pamilya sa matagal na panahon. Subalit hindi sinasadyang mabasag ng kanilang anak ang banga nang mag-stretching ito sa sala, dahilan para matuklasan ng buong pamilya ang limpak-limpak na pera. 


Bunsod nito, agad nag-text ang maybahay ng mister sa kanyang asawa para pauwiin ito at ipaliwanag ang nadiskubreng pera.


Pagdating ng lalaki ay nagbago ang reaksyon ng mukha nito nang makita ang mga pera na buong maghapon umanong binilang ni misis. 


Nagkakahalaga ang nasabing pera ng 5,000 Yuan o humigit kumulang P36,000.00.


13 taon na raw iniipon ng lalaki ang pera. Hindi naman nagalit bagkus ikinatuwa pa ito ng kanyang misis kahit pa matagal itong inilihim sa kanya ng kanyang mister.